Binigyang-diin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pangangailangan ng mga praktikal at makabagong solusyon upang matulungan ang mga ekonomiya ng ASEAN sa paglipat sa mas makakalikasang ekonomiya, habang lumilikha ng oportunidad para sa mga manggagawa, negosyo, at komunidad.
Ito ang mensahe ng DOLE sa pangunguna ni Undersecretary Carmela Torres sa pagtanggap sa mga delegado ng ASEAN Member States at international partners sa pre-forum program at welcome reception sa Makati City, bago ang ikatlong ASEAN Green Jobs Forum.
Binigyang diin ni Torres ang kahalagahan ng panrehiyong kooperasyon sa paglikha ng green jobs, pagpapalakas ng kasanayan ng mga manggagawa, at pagtiyak na magiging makatarungan at inklusibo ang paglipat sa green economy.
Kabilang sa mga mahahalagang hakbang ang 2018 ASEAN Declaration on Promoting Green Jobs for Equity and Inclusive Growth at ang pag-ampon noong Oktubre 2025 ng ASEAN Framework and Action Plan for a Just and Inclusive Transition to Green Jobs.
Samantala, pormal na ipinasa ni Malaysian Ambassador to the Philippines Dato’ Abdul Malik Melvin Castelino sa Pilipinas ang pagho-host ng forum.
Binigyang-diin niyang mahalagang maisalin ang mga talakayan sa konkretong polisiya, magkakatugmang pamantayan sa kasanayan at makabuluhang kabuhayan para sa 69 milyong mamamayan ng ASEAN.
Ngayong araw hanggang bukas october 20 ang 2026 ASEAN Green Jobs Forum , na may temang “Creating Green Jobs, Building Future Skills: Transforming ASEAN’s Economies and Workforce for a Just and Inclusive Future.”