Isang bagong tanggapan ng TESDA sa Negros Island Region, kasama ang isang provincial training center, ang itatayo sa Bais City, Negros Oriental.
Ito ay matapos pormal na tanggapin ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA, sa pangunguna ni Secretary Kiko Benitez, ang Deed of Donation mula sa lokal na pamahalaan ng Bais City, na kinatawan ni Mayor Luigi Marcel Goñi.
Batay sa kasunduan, dalawang lote ng lupa ang ipinagkaloob para sa proyekto.
Dalawang libong metro kuwadrado ang ilalaan para sa TESDA NIR Office, habang apat na libong metro kuwadrado naman ang para sa Provincial Training Center.
Layunin ng proyekto na palawakin ang access ng mga mamamayan sa teknikal-bokasyonal na edukasyon at pagsasanay, gayundin ang pagtugon sa pangangailangan ng mga lokal na komunidad at industriya sa mga manggagawang may sapat na kasanayan.
Inaasahan ding higit pang mapalalakas ng mga bagong pasilidad ang paghahatid ng mga programa ng TESDA sa Negros Island Region.