Agad nag-isyu ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang taxi driver na umano’y tumakas sa isang gasolinahan nang hindi nagbabayad sa ipinakarga.
Batay sa CCTV footage na natanggap ng LTO, makikita ang taxi driver na nagpakarga ng gasolina bago umalis sa istasyon nang hindi nagbabayad.
Dahil dito, inatasan ang driver at ang rehistradong may-ari ng taxi na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO Central Office sa East Avenue, Quezon City, sa October 27, 2026, para magsumite ng sinumpaang paliwanag kung bakit hindi dapat mapanagot sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle, habang maaari pang madagdagan ang mga pananagutan depende sa resulta ng imbestigasyon.
Isasailalim din sa 90-araw na preventive suspension ang lisensya ng driver, na inatasang agad itong isuko sa LTO.
Samantala, inilagay na sa alarm ang taxi at tinutukoy na ng Law Enforcement Service ng ahensiya para sa agarang pag-impound at pagsasagawa ng kaukulang proseso.
Ayon kay Asec. Lacanilao, may kaakibat na responsibilidad ang pagkakaroon ng lisensya, hindi lamang sa ligtas na pagmamaneho kundi pati sa wastong asal at pagtupad sa mga pananagutan bilang motorista.