Photo courtesy of Rep. Miro Quimbo
Itinutulak ni Marikina 2nd District Representative Miro Quimbo ang pagsasabatas ng National Water Resources Management Act bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño at banta ng kakulangan sa suplay ng tubig.
Ayon kay Quimbo, layunin ng House Bill No. 6789 na magtatag ng national framework para sa mas maayos na pamamahala ng yamang-tubig sa bansa, kabilang ang paglikha ng Department of Water Resources at Water Regulatory Commission.
Pinagtibay na ng Kamara ang panukala noong Disyembre 22, 2025, at naipadala na sa Senado.
Diin ni Quimbo, mahalaga ang maayos na pamamahala sa tubig upang matiyak ang sapat at maaasahang suplay para sa mga tahanan, negosyo at iba pang pangunahing serbisyo, lalo na sa panahon ng matinding tagtuyot.
Aniya, ang kakulangan sa tubig ay maaaring makaapekto sa pang-araw-araw na gawain ng mga pamilya, operasyon ng mga negosyo, kalusugan ng publiko at produktibidad ng ekonomiya.
Naniniwala ang mambabatas na makatutulong ang panukala sa pagpapalakas ng koordinasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan at sa pangmatagalang pagpaplano upang matugunan ang magkakaibang pangangailangan sa tubig.
Kaya umaasa si Quimbo na uusad na sa Senado ang panukala upang mapalakas ang seguridad sa tubig at matulungan ang mga komunidad na makapaghanda sa mga hamon ng pagbabago ng klima, kabilang ang posibleng matinding El Niño.