Senate of the Philippines
Ipinag-utos ng Sandiganbayan ang 90-araw na preventive suspension ni Senador Rodante Marcoleta kaugnay ng kinakaharap nitong kasong plunder at paglabag sa Presidential Decree No. 46.
Batay sa resolusyong inilabas ng Third Division ngayong Oktubre 19, mananatili ang suspensyon hanggang matapos ang 90 araw mula sa pagpapatupad nito.
Ayon sa korte, sapat ang mga alegasyon sa mga kasong isinampa laban kay Marcoleta upang maituring na balido ang mga information o pormal na sakdal laban sa senador.
Sa kasong plunder, inakusahan si Marcoleta na tumanggap umano ng kabuuang P75 milyon mula kina Defensor, Espiritu at Viray noong siya ay kinatawan pa ng SAGIP Party-list.
Samantala, sa paglabag sa P.D. No. 46, inakusahan naman siyang tumanggap umano ng P25 milyon mula kay Joseph Espiritu, isang pribadong indibidwal, dahil sa kaniyang posisyon sa pamahalaan.
Binigyang-diin ng Sandiganbayan na hindi maaapektuhan ng suspensyon ang operasyon ng Senado, habang ang mga alegasyon at depensa ni Marcoleta ay maaari pang talakayin sa paglilitis ng mga kaso.