Isinusulong ni Nueva Vizcaya Rep. Tim Cayton ang panukalang batas na magbibigay ng mas matibay na proteksyon sa maliliit na magbababoy laban sa hindi patas na presyo at pagkaantala ng bayad sa bentahan ng kanilang alagang baboy.
Sa ilalim ng House Bill No. 11481 o Local Hog Raisers Protection and Fair Pricing Act, inaatasan ang Department of Agriculture (DA) na maglabas ng reference farmgate price sa bawat rehiyon upang magkaroon ng batayan ang mga lokal na magbababoy sa pakikipagtawaran sa mga komprador.
Gagamitin naman ang timbangan na sinuri at sinelyuhan ng kinauukulang awtoridad, gayundin ang pagbibigay ng resibo na nakasaad ang timbang ng baboy, presyo kada kilo, kabuuang halaga at petsa ng pagbabayad.
Ayon kay Cayton, karaniwang ang mga middleman ang nagdidikta ng presyo ng baboy, habang may mga pagkakataong naaantala pa ang pagbabayad sa mga raiser.
Itinatakda rin ng panukala na hindi bababa sa kalahati ng karneng bibilhin ng pamahalaan para sa mga programa nito sa pamamahagi ng pagkain ay dapat magmula sa mga lokal na producer.
Nilinaw naman ni Cayton na hindi layunin ng panukala na kontrolin ang presyo ng baboy, kundi tiyaking may sapat na impormasyon ang mga raiser at patas ang proseso ng bentahan. | ulat ni Kathleen Forbes