Pinaghahandaan na ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang posibleng epekto ng Super El Niño sa mga susunod na linggo.
Ito ang tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno matapos ang isinagawang pagpupulong kasama ang iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Ayon sa Alkalde, inatasan na niya ang mga pinuno ng bawat departamento na tiyaking handa ang kanilang mga tanggapan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga residente sa gitna ng inaasahang matinding init.
Kabilang sa mga naghahanda ang Manila Health Department, na tututok sa kahandaan ng mga pasilidad pangkalusugan, sapat na suplay ng mga gamot at iba pang medical supplies, gayundin sa maagang pagtukoy at pagsubaybay sa mga posibleng sakit na dulot ng matinding init.
Inatasan din ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department na maghanda sa posibleng kakulangan sa suplay ng tubig. Samantala, pinag-aaralan din ng lokal na pamahalaan ang iba pang mga hakbang upang maiwasan ang madalas na pagkansela ng klase dahil sa matinding init ng panahon.