Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) na higpitan ang panuntunan sa pagtatalaga ng mga pulis bilang security detail ng mga VIP.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., layon ng pagsusuri na mapatatag ang propesyonalismo ng mga pulis na nakatalaga sa mga pulitiko, negosyante, at iba pang personalidad.
Giit ni Nartatez na trabaho ng PNP protektahan ang buhay at kaligtasan ng publiko, at hindi personal na utusan.
Hindi rin aniya dapat hayaang madungisan ang kanilang uniporme ng mga gawaing labas sa kanilang mandato.
Ginawa ni Nartatez ang pahayag matapos lumutang ang ilang security detail ng mga kongresista na inutusan umanong maghatid ng maleta-maletang pera.
Kabilang dito ang dalawang pulis na tumestigo sa Sandiganbayan na nakita nila na naghahatid ng mga maleta sa bahay ni dating Ako Bicol Party-list Zaldy Co. Pero sa pagdinig sa kaso ni dating House Speaker Martin Romualdez, nilinaw nina Police Major Alvin Nuguid at Police Chief Master Sergeant Larry Zymon Bellen na hindi nila personal na nakita kung pera ang laman ng mga maleta.