Kinontra ni House Prosecutor Gerville Luistro ang pagtanggi ni Vice President Sara Duterte na ang pagkakaroon ng franchise ay nangangahulugang pagmamay-ari ng GenCorp Industries Inc., na siyang may hawak umano ng Jollibee franchise.
Ayon kay Luistro, mismong si Duterte ang umamin sa kaniyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) noong 2022 at 2023 na shareholder siya ng GenCorp Industries Inc.
Binigyang-diin ni Luistro na mas binibigyan ng bigat ng korte ang pag-amin ng isang public official, lalo na kung ginawa ito sa ilalim ng panunumpa.
Aniya, tungkulin ng opisyal na patunayang nagkamali lamang siya kung nais niyang kuwestiyunin ang sarili niyang deklarasyon.
Dagdag niya hindi House prosecution ang gumawa ng naturang SALN kundi mismong si Duterte ang nagsumite nito under oath.
Dahil dito, hinimok ni Luistro si Duterte na harapin nang personal ang impeachment court at doon ipaliwanag at pabulaanan ang mga impormasyong nakasaad sa kaniyang SALN.
Giit ni Luistro, mahalagang direktang sagutin ni Duterte ang usapin upang maisaalang-alang ng impeachment court ang kaniyang mga pahayag at maipaliwanag niya ang kaniyang panig sa naturang alegasyon.