Itinuturing ni House Lead Prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro na pagpapatibay sa posisyon ng prosecution ang resulta ng Publicus Asia Survey na nagpapakita ng pananaw ng publiko sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa survey, 44% ng mga respondent ang umaasang mahahatulan si Duterte, 31% ang umaasang mapawawalang-sala siya, habang 25% ang undecided.
Isinagawa ang survey noong October 1-4, bago pa tumestigo ang forensic expert na si Atty. Alex Cabrera at bago umatras ang prosecution sa tatlo sa apat na Articles of Impeachment.
Giit pa ni Luistro, ipinakita ng resulta ang pagtanggap ng publiko sa mga ebidensiyang naiharap ng prosecution noong isinagawa ang survey.
“Sa akin, it shows the appreciation of the Filipino people of the evidence so far presented by the prosecution during that time,” ani Luistro.
Dahil dito, positibo ang prosecution na may mga batayan ang mga alegasyon at nakikita ng taumbayan ang merito ng impeachment case.