Iminungkahi ni Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon na paalisin sa Pilipinas ang mga lesser diplomats ng Chinese Embassy.
Ayon kay Ridon, nasa pagpapasya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kung ano ang nararapat na aksyon laban sa Chinese Ambassador Jing Quan matapos ang kontrobersiyal nitong pahayag na itinuring na pagbabanta sa Pilipinas.
Sinabi ni Ridon na hindi katanggap-tanggap ang paliwanag ng Chinese Embassy na hindi lamang naunawaan ng Pilipinas ang sinabi ng embahador, dahil aniya, ang pagbabanta ay pagbabanta.
Bagama’t iginagalang niya ang naging hakbang ng pamahalaan na ipatawag ang embahador upang ipabatid ang pagkadismaya ng bansa, iginiit ni Ridon na maaari namang paalisin ang mga lesser diplomats sa halip na ang embahador.
Partikular niyang tinukoy ang mga nasa likod ng Facebook account ng Chinese Embassy na patuloy umanong naglalabas ng mga pahayag laban sa pamahalaan at mga opisyal ng Pilipinas.
Biro pa ni Ridon, tila nasiyahan ang mga ito sa sunod-sunod na pagpo-post sa Facebook, na ipinagbabawal gamitin sa China.
Hinimok ni Ridon ang Department of Foreign Affairs at ang Pangulo na pag-aralan ang pagpapaalis sa mga naturang diplomat kung magpapatuloy ang mga pahayag ng embahada sa social media.