Inaasahang aabot sa 300,000 hanggang 350,000 indibidwal ang bibisita sa tatlong pampublikong sementeryo at kolumbaryo sa Quezon City ngayong Undas.
Ayon sa QC Civil Registry Department, ang inaasahang pagdami ng mga bisita ay dahil sa mas mataas na bilang ng mga nakalibing at ang mahabang weekend ngayong Undas.
Batay sa datos hanggang September 30, may 108,760 na labi sa Bagbag Cemetery, 24,152 naman sa Novaliches Cemetery, habang 797 na puwesto sa kolumbaryo ng Baisa ang okupado.
Noong nakaraang undas, umabot sa 280,000 ang bilang ng mga bumisita sa tatlong sementeryo sa lungsod.
Para sa Undas ngayong taon, itinakda na ang visiting hours sa mga pampublikong sementeryo mula October 31-November 2, mula alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi.
Mahigpit pa ring ipagbabawal ang pagsusugal, pagdadala ng alak, sigarilyo, vape at mga flammable at matatalim na bagay sa loob ng mga sementeryo.
Pinapayagan na rin ang paglilinis ng mga puntod. Gayunman, sa October 30 ang huling araw ng paglilinis, gayundin ng mga operasyon ng paglilibing.