Dapat magtrabaho ang dapat mag-trabaho, at dapat gawin ang dapat na gawin.
Ito ang binigyang-diin ni Communications Undersecretary Claire Castro, kasunod ng pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na nakalabas na ng Pilipinas ang gambling tycoon na si Charlie ”Atong” Ang na idinadawit sa pagkawala ng mga sabungero.
Ayon kay Castro, hindi dapat tulugan ang usaping ito. Kailangan rin aniyang maimbestigahan upang malaman kung mayroon o sino ang nagkaroon ng pagkukulang.
“Kaya nga po kahit sino, kahit nga si Senator Bato, ano sabi ng Pangulo, hulihin ang dapat na hulihin. So ibig sabihin nito magtrabaho tayo, magtrabaho kayo. Kung sino may mandato rito, magtrabaho sila. So, kung mayroong mga pagkukulang dito, dapat malaman ito ng Pangulo,” pahayag ni Castro.
Sabi ng Palasyo sa mga opisyal at tanggapan ng gobyerno na nakatutok sa paghabol sa mga pugante, dapat na magtrabaho ang mga ito. Kung sino aniya ang mga mayroong pagkukulang, dapat na malaman ni Pangulong Marcos, lalo’t hindi nakakatuwa na mayroong mga pugante na nakakatakas sa batas.
”Kung anong dapat gawin, kung anong dapat gawin ng gobyerno, kung ano ang mga nasasaad sa ating batas, gawin na ang dapat na gawin. Iyan ang utos ng Pangulo. Hindi puwedeng makaalpas ang sinumang pugante,” diin ni Castro.
Sinabi pa ng kalihim, alam na ni Remulla kung saan at kailan siya dapat na kumilos, lalo’t mabilisang aksyon ang minamandato ng Pangulo sa usaping ito.
“Hindi nakakatuwa na may nakakaalpas na pugante na dapat na managot. So kung nasabi nito ni Secretary Jonvic Remulla, alam niya kung saan siya dapat kumilos, kung kailan siya dapat kumilos, hindi ito puwedeng matulugan. Mabilisang aksyon na dapat dito. Iyan lang nais ng Pangulo,” ani Usec. Castro.