Iginiit ni Senator JV Ejercito na hindi siya anti-China matapos makatanggap ng pamba-bash sa social media dahil sa pagbatikos niya sa mga naging pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan na madaling mananalo ang China kung gagamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas.
Ayon kay Ejercito, hindi ang China o ang mga mamamayang Chinese ang kanyang pinupuna, kundi ang aniya’y pagbabanta ng ambassador nito sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.
Giit niya, tungkulin ng isang diplomat na ayusin at pagandahin ang ugnayan ng Pilipinas at China, hindi ang magpahayag ng mga pananalitang maituturing na pagbabanta.
Sinabi ng senador na nag-ugat ang kanyang reaksyon mula sa concern para sa Pilipinong mangingisda at mga tauhan sa West Philippine Sea.
Partikular na tinukoy ang mga insidente ng pananakit sa mga tauhan ng Philippine Navy at Coast Guard gayundin ang paghihirap ng mga mangingisdang Pilipino na pinagkakaitan ng hanapbuhay sa West Philippine Sea.
Binanggit rin ni Ejercito na lumaki siyang may mga Chinese na kaklase at kaibigan, gumagamit ng mga produktong Chinese, at nag-eendorso pa ng isang Chinese tire brand kaya hindi aniya siya ‘anti-China.’
Humingi rin siya ng paumanhin sa mga Pilipinong maaaring nasaktan sa kanyang naunang pahayag kasabay ng pagpapahayag ng kalungkutan sa kawalan ng pagkakaisa ng ilang kababayan natin sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa.