Target ng Maritime Industry Authority (MARINA) na pabilisin ang pagproseso ng mga aplikasyon sa industriya ng shipbuilding at ship repair sa pamamagitan ng pagpapasimple ng mga requirement at pagpapalawak ng digital services ng ahensiya.
Ayon kay MARINA Director II Precila Jara, ibinahagi nito sa ikatlong sesyon ng 11th Meeting of the Association of Southeast Asian Nations-Organisation for Economic Co-operation and Development (ASEAN-OECD) Good Regulatory Practices Network, na pinag-aaralan ng ahensiya ang pagbawas sa bilang ng mga hakbang sa pagproseso ng aplikasyon nito mula 40 patungo sa 23 na lamang.
Inaasahan ding mapapaikli ang processing time mula halos 11 araw tungo sa limang araw, o katumbas ng pagbaba ng halos 52%.
Bahagi ito ng whole-of-government approach na pinangungunahan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA), kasama ang iba pang ahensiya at stakeholders, upang matukoy ang mga paulit-ulit na requirement at iba pang hadlang sa proseso.
Kasabay nito, isinusulong ng MARINA ang paggamit ng MARINA Blockchain-Enabled Automated Certification System (MARINA BEST), gayundin ang pagbuo ng sariling Regulatory Impact Assessment Manual upang masuri ang epekto ng mga regulasyon bago ipatupad ang mga ito.
Inaasahang buong maisasakatuparan ang mga repormang ito sa pamamagitan ng isang Joint Memorandum Circular na kasalukuyang pinal na inihahanda ng mga kaugnay na ahensiya, na layong gawing mas mabilis at episyente ang mga transaksiyon sa sektor ng shipbuilding at ship repair sa bansa.