Matagumpay na naidaos sa Pilipinas ang dalawang araw na 20th ASEAN Ministerial Meeting on Transnational Crime (AMMTC) (October 20-21), sa pangunguna ni DILG Secretary Jonvic Remulla, bilang bahagi ASEAN chairship ng bansa ngayong taon.
Buhat nang itatag ang AMMTC noong 1997, patuloy na pinaiigting ng mga bansang kasapi ang pagtutulungan laban sa transnational crimes, kabilang ang human trafficking, illegal drugs, online scams, at money laundering–na lalong nagiging sopistikado dahil sa makabagong teknolohiya.
Binigyang-diin ni Remulla ang kahalagahan ng mas mahigpit na koordinasyon ng mga ASEAN member states at dialogue partners sa pagsugpo ng mga krimeng tumatawid sa mga hangganan.
Binanggit niyang halimbawa ang matagumpay na pagsagip sa mga Pilipinong biktima ng scam hubs sa Cambodia at ang pagkakasabat ng mga awtoridad sa mahigit 500 kilo ng shabu na tinangkang ipuslit mula Laos papasok ng Pilipinas kamakailan.
Samantala, pormal nang ipinasa ng Pilipinas sa Singapore ang pamumuno sa AMMTC para susunod na taon sa seremonya ng pagsasara nitong Miyerkules, na pinangunahan ni DILG Undersecretary Nestor Sanares.
Photos courtesy: PNA / Robert Oswald Alfiler