Maaaring mapabilang sa lalamanin ng motion for reconsideration ng Office of Solicitor General (OSG) ang argumento kaugnay sa posibilidad ng judicial overreach, sa naging budget ruling ng Korte Suprema, kung saan kinuwestiyon nito ang ilang probisyon ng 2024, 2025, at 2026 national budget.
Paliwanag ni Solicitor General Darlene Berberabe, binigyang ng kapangyarihan ng Konstitusyon ang Kongreso ng power of the purse, habang ang kapangyarihan naman upang ihanda at i-propose ang pambansang pondo ay ibinigay sa Ehekutibo.
“Isa po iyan sa aming tinitingnan kagaya po ng aking binasa sa aming statement… sapagkat naniniwala po ang OSG na may mga kapangyarihan na ibinigay ang Konstitusyon – power of the purse sa Congress iyan; ang power to prepare the budget and to propose to Congress, Ehekutibo iyan. At pagkatapos maipasa ang GAA ang Ehekutibo execution of the budget.” -Berberabe.
Ang hiling aniya ng tanggapan, repasuhin ng Korte Suprema ang ilan sa mga tinukoy na guardrails sa budget ruling na maaari namang ipaubaya na sa Kongreso at sa Pangulo.
“So, ang amin lamang pong gustong Idiin at hilingin na repasuhin nila baka po may mga guardrails na dapat ay ipaubaya na lamang doon sa dalawang branches which are the political branches – ibig sabihin po ng political branches ito po ay Kongreso at Presidente na inihalal po ng ating taumbayan.” -Berberabe.
Aniya, mayroon naman na kasing self-correction na ginagawa ang Palasyo at Kongreso kaugnay sa nilalaman ng budget.
“So, ito po ay buong respeto namin at buong humility na atin pong ihihiling sa Supreme Court na marepaso.” -Berberabe.
Halimbawa aniya, noong naglabas ng pahayag si Pangulong Ferdinand Marcos na “Mahiya naman kayo” ang OSG, AMLC, DOJ, at Ombudsman ay nagtulungan para sa imbestigasyon, pag-file ng mga kaso, paglalabas ng freeze order, at civil forfeiture laban sa mga indibidwal at ari-arian ng mga ito na pinaniniwalaang galing sa pera ng taombayan.
Kaya rin aniya kaunti lamang ang napuna ng SC sa 2026 budget, ay dahil maging ito ay nalinis na ng pamahalan.
“Ibig sabihin, nagkaroon po ng self-correction na rin ang executive at saka legislature at kahit po sa press release ni Senator JV Ejercito kahapon, ni SP Tito Sotto, nagsabi rin po sila na, “Ay, ginawa na namin iyan.” -Berberabe.
Sabi ng opisyal, marami ring nakabinbing mga batas, para mapa-igting ang budget at paggasta dito, upang hindi ma-ulit ang mga na-flag mula sa 2024 budget.
Sabi ng opisyal, ilalatag nila sa motion for reconsideration ang lahat ng kanilang mga paliwanag, upang maiwasan na maapektuhan ang implementasyon ng ilang programa sa ilalim ng kasalukuyang pambansang pondo.