Pinayuhan ng Office of the Solicitor General (OSG) ang Ehekutibo na huwag munang gamitin ang unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2026 national budget, kasunod ng budget ruling na inilabas ng Korte Suprema na kumukwestyon sa ilang bahagi ng 2024, 2025, at 2026 national budget.
Sa ganitong paraan ayon kay Solicitor General Darlene Berberabe, maiiwasan na makagawa ng paglabag sa kautusan ng Kataas-taasang Hukuman.
Ayon sa opisyal, mainam na malinawan muna ang desisyon ng SC kaugnay sa Special Provisions 1-A at 1-B o ang probisyong nagtatakda kung kailan maaaring gamitin o i-release ang standby funds ng pamahalaan.
Tiwala ang OSG na agad di-desisyunan ng Supreme Court ang ihahaing motion for reconsideration, lalo’t ayaw rin ng SC na maapektuhan ang budget execution ngayong 2026.
Sa kasalukuyan, inaalam na ng OSG kung alin ang mga programa at serbisyo ang maaapektuhan sakaling hindi maging pabor sa administrasyon ang ruling.