Nagbigay ng anim na buwang deadline ang Department of Transportation (DOTr) sa mga bus na bumibiyahe sa EDSA Carousel para sumunod sa “left-side door policy.”
Dito, kailangang nasa kaliwang bahagi na ng bus ang pintuan para sa ligtas na pagsakay at pagbaba ng mga pasahero.
Sa isinagawang inspeksiyon ni Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Lopez, napansin niyang mayroon pa ring mga bus na nasa kanan pa rin ang pintuan.
Dahil dito, kailangan pang umikot ng mga pasahero para makasakay at makababa na lubhang mapanganib sa kanilang kaligtasan.
Giit ng kagawaran, hindi na sila magbibigay ng palugit dahil matagal nang umiiral ang kautusan para sa “left-side door policy.”
Ayon sa DOTr, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakinng kumportable ang mga pasaherong araw-araw nagko-komyut kabilang na ang mga gumagamit ng EDSA Busway.