Mag-aalok ang Government Service Insurance System o GSIS ng emergency loan para sa mga kuwalipikadong miyembro at pensioner sa limang lugar na apektado ng kalamidad sa Bicol at CALABARZON. Kabilang dito ang Albay at Naga City dahil sa pagdami ng kaso ng dengue at mga nasawi, at Camarines Norte na apektado naman ng tagtuyot dahil sa El Niño.
Ayon sa GSIS, naglaan ito ng ₱1.69 bilyon para sa mahigit 68,000 miyembro at pensioner sa Albay, Camarines Norte at Naga City. Maaaring mag-apply sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile application hanggang October 24 sa Albay, October 27 sa Camarines Norte, at Oktubre 28 sa Naga City. Samantala, bukas pa ang aplikasyon hanggang November 12 sa Cavite at November 16 sa Rodriguez, Rizal.
Maaaring humiram ng hanggang ₱20,000 ang mga miyembrong walang kasalukuyang emergency loan. Para naman sa may natitirang balanse sa naunang loan, maaaring humiram ng hanggang ₱40,000, na may netong matatanggap na hanggang ₱20,000 matapos ibawas ang natitirang utang. May 6% interest ang loan na babayaran sa loob ng 3 taon. | ulat ni Aj Ignacio