Naniniwala ang Office of the Solicitor General (OSG) na malilinawan ang Korte Suprema hingil sa 2026 national budget, sa oras na maisumite na nila ang motion for reconsideration, kung saan ilalatag ng tanggapan ang paliwanag sa mga nauna nang probisyon ng 2024, 2025, at 2026 national budget na kinwestyon ng Kataas-taasang Hukuman.
Ayon kay Solicitor General Darlene Berberabe, sa oras na hindi paburan ng SC ang panig ng Ehekutibo at Kongreso, maaapektuhan ang 2026 budget o iyong ilang mga programang nasa ilalim ng unprogrammed appropriations nito. Ito mismo ang iniiwasang mangyari ng gobyerno.
“Isa pong implication dito ay iyong sinasabi kong ang maapektuhan po kasi iyong 2026 budget. Pero kami po ay naniniwala na makikita po sa muling pagtingin, kami po ay hihiling na at ipaliwanag namin kung ano iyong magiging effect.” — Berberabe.
Naiintindihan aniya ng pamahalaan ang mga guardrails, na kung tutuusin, ang Malacañang at Kongreso pa ang naunang magpatupad ng self-correction sa kanilang hanay.
Sabi ng opisyal, ilalatag nila ang kanilang paliwanag, upang maipakita sa Supreme Court na walang nilabag ang budget sa anomang Constitutional requirement o standard.
“Naiintindihan natin ang guardrails. In fact wala kaso na doon. In fact nauna na rin ang Presidente, nauna na rin ang Congress. So aming ipakikita kung bakit ito ay wala namang nilalabag sa constitutional requirement or standard.” -Berberabe.
Positibo rin aniya ang OSG na sa oras na matanggap ng SC ang kanilang mosyon, agad itong bibigyang-pansin para sa agarang desisyon.
“Iba-iba po sa aming karanasan pero napapansin din naman po namin na kapag alam po ng ating mahistrado na importanteng kaso ito at time is of the essence ay binibigyan nila ng pansin?” — Berberabe.