Naniniwala ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na hindi lamang financier kundi siya ring utak sa napurnadang pagpapasok ng 521 kilo ng shabu mula Laos patungong Pilipinas si dating Bangsamoro Transition Authority parliament member Sultan Edrieza “Nasser” Rimbang.
Sa briefing ng House Committee on Dangerous Drugs, inilahad ni PDEA Director General Isagani Nerez ang mga impormasyong nakalap ng mga awtoridad kaugnay ng tangkang pagpupuslit ng ilegal na droga.
Ayon kay Nerez, si Rimbang umano ang nagplano ng operasyon, nagbigay ng mga tagubilin sa kanyang mga kasabwat at nagpondo sa pag-arkila ng eroplanong gagamitin sa paghahatid ng droga.
Batay aniya sa mga affidavit na kinuha ng PNP Criminal Investigation Group, naitatag na ang koneksyon ng mga indibidwal na sangkot sa insidente.
Naniniwala rin ang PDEA na may koneksyon si Rimbang sa isang international drug syndicate dahil sa pinagmulan ng kargamento.
Ayon kay Nerez, posibleng may iba pang kasabwat si Rimbang na may access sa Golden Triangle, na kilalang pinagmumulan ng ilegal na droga sa Asya.