Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagdaragdag ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard o PCG sa mga pumping station upang maiwasan ang pagnanakaw ng mga kagamitan na maaaring magdulot ng matinding pagbaha.
Kasunod ito ng pagnanakaw ng mga kable at electrical equipment sa Diokno Pumping Station sa Pasay City na nakaapekto sa operasyon ng pasilidad.
Ayon kay Department of Public Works and Highways o DPWH Secretary Vince Dizon, papalitan ng kontratista ang mga ninakaw na piyesa nang walang gagastusin ang gobyerno.
Binigyang-diin ni Dizon na hindi dapat mapahamak ang publiko dahil sa pagbaha na dulot ng mga pumping station na hindi gumagana nang maayos.
Samantala, tatlong suspek na ang naaresto kaugnay ng pagnanakaw ng mga kagamitang nagkakahalaga ng mahigit 180 libong piso.