Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng patubig sa pagpapataas ng ani at kita ng mga magsasaka.
Ito ang dahilan kung bakit pinalalakas ng Marcos Administration ang mga programa at proyektong tutugon sa usaping ito.
Ngayong araw (October 26), pinasinayaan ng pangulo ang Php1.49 billion Alfonso Lista Pump Irrigation System (ALPIS) sa Ifugao.
Magbibigay ito ng patubig sa 2,300 ektarya ng sakahan, na pakikinabangan ng 1,315 magsasaka, at magsisilbi sa apat na barangay.
Inaasahang tataas ang taunang produksyon ng palay mula 900 metriko tonelada tungo sa 26,000 metriko tonelada, at tataas din ang pinagsamang taunang kita ng mga magsasaka mula PhP16 milyon hanggang PhP159 milyon.
“Pinakamahalaga sa pagsasaka ay ang patubig. At malaki ang pagbabago kapag yung non-irrigated areas ay nagawa natin ang paraan na maipapatubig,” —Pangulong Marcos Jr.
Ayon sa pangulo, patuloy na magtatayo ang pamahalaan ng mga pasilidad ng patubig, kabilang ang mga solar-powered irrigation system, upang matulungan ang mga magsasaka na mapanatili ang produksyon sa kabila ng tagtuyot.
“Patuloy ang inyong pamahalaan. Asahan ninyo na kami ay nandito upang maghanap ng lahat ng kayang magawa upang pagandahin ang buhay ng ating magsasaka,” dagdag ng Pangulo.
Bahagi ang proyekto ng pagsisikap ng administrasyong Marcos Jr. na palawakin ang mga sakahang mayroong patubig, pataasin ang produksyon ng agri sector, at palakasin ang seguridad sa pagkain ng bansa. | ulat ni Racquel Bayan