Hinimok ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Philippine National Oil Company (PNOC) na samantalahin ang oportunidad na makapagtayo ng strategic petroleum reserves sa bansa sa pamamagitan ng posibleng pakikipagtulungan sa Abu Dhabi National Oil Company (ADNOC).
Ayon kay Gatchalian, handa ang ADNOC na sagutin ang malaking bahagi ng operational requirements para sa pasilidad kapalit ng paglalaan ng angkop na lupang pagtatayuan nito.
Sinabi ng senador na maaaring gamitin ng PNOC ang mga lupang pag-aari nito para sa proyekto at hindi na dapat patagalin ang usapin dahil handa na ang ADNOC na makipagtulungan.
Kabilang aniya sa mga kondisyong nais ng ADNOC ang pagkakaroon ng karapatan ng Pilipinas sa first refusal o unang pagkakataong bumili ng nakaimbak na langis kung kakailanganin ito ng bansa.
Binigyang-diin ni Gatchalian na mahalaga ang strategic petroleum reserves para maprotektahan ang Pilipinas laban sa pagkaantala ng pandaigdigang suplay ng langis at pabago-bagong presyo ng petrolyo.
Sa pamamagitan ng nakalaang reserba ng langis, inaasahang mas mapatatatag ang energy security at mapangangalagaan ang ekonomiya ng bansa sa panahon ng mga pandaigdigang krisis o emergency.
Kamakailan ay nakipagpulong sina Gatchalian at Senate Energy Committee Chairperson Erwin Tulfo sa mga kinatawan ng ADNOC tungkol sa posibleng pakikipagtulungan.