Photo courtesy of Senate of the Philippines
Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang kanyang mga kapwa senator-judges sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na ideklarang hindi nila tatanggapin ang posibleng pagkakatalaga bilang bise presidente sakaling mahatulan at matanggal sa pwesto ang Bise Presidente.
Sa kanyang Facebook post, sinuportahan ni Cayetano ang pahayag ni Senate impeachment court Presiding Officer Chiz Escudero na tatanggihan nito ang anumang alok na pumalit sa pwesto ni VP Sara dahil sa conflict of interest.
Ayon kay Cayetano, mahalagang manatiling neutral sa politika ang mga senator-judge at walang ibang motibo sa paghatol kundi ang mga ebidensyang magpapatunay sa mga akusasyon laban sa Bise Presidente.
Sa isang podcast na ipinalabas nitong weekend, pinahayag ni Escudero na hindi niya tatanggapin ang posisyon dahil hindi aniya nararapat na ang isa sa mga magpapasya sa impeachment trial ang posibleng makinabang sa pagkakatanggal ni VP Sara.
Gayunman, nilinaw ni Escudero na wala pang nag-aalok sa kanya ng naturang posisyon at ang desisyon niyang huwag tanggapin ang posisyon kung sakali ay personal lang niya at hindi dapat ituring na panghihikayat sa iba pang senador. Sa ilalim ng konstitusyon, kung mabakante ang posisyon ng bise presidente habang nanunungkulan ang pangulo ay maaaring magtalaga ang Pangulo ng senador o miyembro ng House of Representatives para pumalit dito, alinsunod sa kumpirmasyon ng mayorya ng lahat ng miyembro ng dalawang kapulungan ng Kongreso na magkahiwalay na boboto.