Naaresto ng Jordanian Security Forces ang tatlong armadong suspek sa pamamaril sa isang Greek Orthodox Church sa Karak governorate noong Biyernes.
Ayon sa Public Security Directorate ng Jordan, natunton ang kinaroroonan ng tatlo sa isang abandonadong bahay sa Karak kung saan nauwi sa palitan ng putok ang pag-aresto nitong Lunes.
Tuluyang nadakip ang tatlo matapos masugatan sa barilan. Nasamsam sa kanila ang ilang baril at bala.
Ang tatlong indibidwal ang itinuturong suspek sa walang habas na pamamaril sa isang simbahan sa Karak kung saan siyam ang nasawi habang 40 ang nasugatan.
Una nang itinuro ng mga awtoridad sa extremist terrorists ang insidente ngunit wala pang grupong umaako rito.
Wala ring binanggit ang mga awtoridad patungkol sa kaugnayan ng mga suspek sa ano mang Islamist militant groups sa rehiyon.
Bagaman bibihira ang karahasang dulot ng terorismo sa Jordan, makailang beses nang sinabi ng mga awtoridad doon na marami na silang nahadlangan na banta mula sa mga Islamist group sa nakalipas na mga taon.