Babantayan na rin ng Land Transportation Office (LTO) ang mga kaso ng sobrang paniningil at iba pang paglabag sa mga panuntunan sa transportasyon ngayong Undas.
Ayon kay LTO Law Enforcement Service Chief Allan Nobleza, tuloy-tuloy ang kanilang operasyon laban sa mga driver na sobrang maningil at hindi tumutupad sa napagkasunduan sa mga pasahero.
Mahigpit ding babantayan ng LTO ang pamimili ng pasahero at pagtangging magsakay, lalo na sa mga pasaherong bumabalik sa mga lalawigan matapos ang Undas.
Layunin nitong maprotektahan ang mga pasahero at matiyak ang maayos at makatarungang serbisyo ng mga pampublikong sasakyan.
Hinikayat din ang publiko na iulat sa kinauukulang ahensiya ang anumang paglabag na kanilang mararanasan.