Nakahanda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tumulong sa pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sakaling humingi ng saklolo ang Philippine National Police, na siyang lead agency sa operasyon.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, nakahanda ang militar na magbigay ng suporta alinsunod sa batas.
“Nonetheless, your Armed Forces of the Philippines, kapagka po meron pong request to our end, then tumutugod naman po tayo dyan. Historically, kung makita niyo po, nitong mga recent na mga arrests that were conducted from different scenarios ano, andyadyan din po yung AFP, part of a team ano. So, kung ano po yung magagampanan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, we’re very willing po to assist from intelligence gathering, towards operations that should, mandate na kailangan po yung presence ng AFP,” ani Padilla.
Samantala, espekulasyon pa lamang para sa AFP ang mga numerong lumulutang kaugnay ng posibleng masawi sakaling mauwi sa karahasan ang pag-aresto.
Ito ay reaksyon ni Padilla nang tanungin sa babala ni Interior Secretary Jonvic Remulla na maaaring maging madugo ang paghuli sa senador, na protektado umano ng mga armadong grupo. Iginiit din niyang patuloy na bumababa ang bilang ng mga insurgent, at wala nang grupong may kakayahang magsagawa ng malawakang karahasan sa bansa.