Pinalawig ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang red at yellow alert sa Visayas Grid.
Iiral ang red alert mula alas-5 hanggang alas-7 ng gabi, habang nakataas ang yellow alert mula alas-3 hanggang alas-5 ng hapon, at muling ipatutupad mula alas-7 hanggang alas-9 ng gabi.
Ayon sa NGCP, bunsod ito ng limitadong power imports mula sa Mindanao matapos magkaroon ng unplanned outage ang GNPK Unit 3 at TM2 Unit 1, kasabay ng pagtaas ng demand forecast sa Mindanao grid.
Sa pinakahuling update kaninang ala-1:30 ng hapon, nasa 2,283 megawatts lamang ang available capacity, kapos sa inaasahang peak demand na 2,435 megawatts.
Nasa 24 na planta ang hindi gumagana, ang ilan ay mula pa noong 2021, habang 19 na planta ang tumatakbo sa derated capacity. Dahil dito, aabot sa 811.6 megawatts ang hindi magamit ng grid.