Isinusulong ng Office of Civil Defense (OCD) ang mas malawak na paggamit ng science at technology sa disaster risk reduction and management (DRRM) para mapalakas ang kahandaan at katatagan ng mga komunidad laban sa sakuna.
Ito ang panawagan ni Civil Defense Administrator Undersecretary Harold Cabreros sa HANDA Pilipinas Luzon Leg ng Department of Science and Technology (DOST) sa Mabalacat, Pampanga.
Ayon kay Cabreros, makatutulong ang inisyatiba para mapalakas ang technical capabilities ng mga DRRM practitioner at local government unit (LGU), at mapalaganap ang kultura ng kahandaan sa sakuna.
Tiniyak din ng opisyal ang kahandaan ng OCD na makipagtulungan sa DOST para mabigyan ang mga komunidad ng maaasahang hazard information, early warning systems, at science-based tools.
Sa pamamagitan ng HANDA Pilipinas, layon ng DOST na matulungan ang mga LGU, komunidad, negosyo, at iba pang sektor na matukoy ang kanilang disaster risks at makagamit ng mga science-based na solusyong angkop sa kanilang lugar.