Tiniyak ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito na hindi makaaapekto sa panukalang 2027 budget ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpapalitan ng puwesto nina Secretary Vince Dizon at Secretary Giovanni “Banoy” Lopez.
Ayon kay Ejercito, pamilyar siya sa kakayahan ng dalawang kalihim dahil nakatrabaho na niya ang mga ito.
Umaasa rin ang senador na ipagpapatuloy ni Lopez ang mga repormang sinimulan sa DPWH kasunod ng isyu ng mga kuwestiyonableng flood control project.
Naniniwala si Ejercito na hindi magiging mahirap ang transisyon sa dalawang ahensiya, lalo’t siya mismo ang humahawak sa kanilang mga panukalang budget sa Senado.
Nakatakdang simulan sa November 23 ang dalawang linggong plenary deliberations sa panukalang 2027 national budget, na magpapatuloy hanggang sa unang linggo ng Disyembre.