Mahigit isang trilyong piso sa panukalang 2027 national budget ang may red flags o pinaghihinalaang pork barrel ayon sa People’s Budget Coalition o PBC.
Sa konsultasyon ng Senate Finance Committee sa Civil Society Organizations, sinabi ni PBC Co-Convenor Adolfo Jose Montesa na kabilang sa kanilang natukoy ang P210 bilyong soft pork mula sa mga programang ayuda, P695 bilyong hard pork mula sa infrastructure projects at P112 bilyong shadow pork mula sa unprogrammed appropriations.
Ayon kay Montesa, lalo pang pinalaki ng House of Representatives ang panukalang pondo para sa ayuda programs mula P72 bilyon sa National Expenditure Program (NEP) tungo sa P137 bilyon sa House General Appropriations Bill.
Kabilang sa mga programang ito ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), medical assistance para sa mga indigent patient, Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program at TUPAD.
Pangamba ng grupo, maaaring magamit ang mga programang ito sa pamumulitika dahil sa sistema ng referral at guarantee letters na hawak ng mga mambabatas.
Dahil dito, iminungkahi ng PBC na ilipat na lang ang dinagdag na pondo para sa ayuda sa mga programang nakabatay sa malinaw na pamantayan, gaya ng tertiary education subsidy at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Suhestiyon rin nila, ang mga referral at guarantee letter ay dapat manggaling na lang sa mga ahensiyang nagpapatupad ng programa o sa social services ng mga ospital at hindi na sa mga mambabatas. | ulat ni Nimfa Asuncion