Plano ng Department of Education (DepEd) na magtayo ng 13 bagong Schools Division Offices (SDO) at magtalaga ng 15 pansamantalang tanggapan upang mapabilis ang paghahatid ng serbisyo sa mga paaralang nasa malalayong isla at kabundukan sa bansa.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng reorganisasyon na mabawasan ang pagkaantala sa mga prosesong administratibo at mailapit ang pamamahala, suporta sa mga guro at serbisyong pang-edukasyon sa mga paaralang mahirap marating.
Batay sa pagsusuri ng DepEd sa 221 kasalukuyang division offices, siyam na lalawigan ang nangangailangan ng pagbabago sa sistema ng pamamahala dahil sa lawak ng kanilang nasasakupan at hirap sa pagbiyahe.
Kabilang sa mga lalawigang may mabigat na pasaning administratibo ang Bohol, Palawan, Masbate, Quezon, Cebu, Leyte, Camarines Sur, Iloilo, at Cagayan. Isa sa mga halimbawa ang Schools Division Office ng Leyte na nangangasiwa sa 1,286 paaralan na nakakalat sa malalawak na lupain at karagatan.
Ilan sa mga panukalang bagong SDO ang Palawan North, Palawan South, Cebu North, Cebu South, Iloilo North, Iloilo South, Leyte North, Leyte South-West, Bohol Northeast, Quezon South & Islands, Masbate Islands, CamSur Partido & Coastal, at Cagayan North & Islands.
Agad ding maglalagay ang DepEd ng 15 pansamantalang field sub-offices sa mga lugar na nangangailangan ng agarang suporta, kabilang ang Laoang sa Northern Samar, Guiuan sa Eastern Samar, Bislig City sa Surigao del Sur, at Siasi sa Sulu.

