Pormal nang binuksan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang isang bagong off-campus training at assessment facility na nakatuon sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Inilunsad nitong Lunes ang OWWA Kasanayan at Kabuhayan Center (OKKC) na matatagpuan sa Intramuros, Maynila. Layunin nitong magbigay ng mas malawak na akses sa mga programang pangkasanayan at serbisyong pang-assessment para sa mga manggagawang Pilipino.
Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, pangunahing layunin ng pasilidad na itaguyod ang upskilling o pagpapahusay ng kakayahan ng mga manggagawa upang mabigyan sila ng mas magandang oportunidad sa trabaho.
“We want to upskill former domestic workers to become caregivers, barista,” pahayag ni Caunan sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon. Dagdag pa niya, itinuturing ng OWWA ang pagkakaroon ng tamang kasanayan bilang pinakamahusay na proteksyon at kapakanan para sa mga OFW. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng tuluy-tuloy na pag-aaral at pagpaplano batay sa mga nakikita sa mga kalapit na bansa sa ASEAN.
Kabilang sa mga kursong aalukin sa OKKC ang mga sumusunod:
- Japanese A1 Language
- Electronic Commerce (E-commerce)
- Information and Communications Technology (ICT)
- Housekeeping
- Caregiving
- Barista at Bartending
Ayon sa TESDA, ang sama-samang hakbang na ito ng dalawang ahensya ay naglalayong palawakin ang akses sa skills development, lumikha ng mga bagong oportunidad para sa kabuhayan, at matiyak ang napapanatiling reintegrasyon ng mga OFW sa bansa pagkatapos ng kanilang paglilingkod sa ibang bansa.