Habang papalapit ang Undas 2026, abala na ang mga awtoridad sa paghahanda para sa inaasahang pagbuhos ng mga taong bibisita sa kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay sa mga sementeryo at memorial park. Upang maging maayos, ligtas, at payapa ang inyong pagbisita, narito ang gabay sa mga iskedyul ng sementeryo, mga saradong kalsada, at mga mahahalagang alituntunin na dapat tandaan.
Mga Iskedyul sa Sementeryo sa Metro Manila
Iba-iba ang oras ng operasyon ng mga pangunahing sementeryo at memorial park sa rehiyon ngayong taon:
- Manila North Cemetery: Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, mula 5:00 a.m. hanggang 8:00 p.m. (Magbabalik sa regular na oras sa Nobyembre 3).
- Manila South Cemetery: Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2, mula 5:00 a.m. hanggang 9:00 p.m. Paalala: Mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, mahigpit na ipinagbabawal ang lahat ng uri ng sasakyan—kabilang ang mga motor, e-bike, e-trike, scooter, bisikleta, at monocycle—sa loob ng sementeryo.
- Libingan ng mga Bayani: Oktubre 28 hanggang 31 (6:00 a.m. hanggang 6:00 p.m.); Nobyembre 1 (5:00a.m.hanggang 10:00 p.m.); Nobyembre 2 (6:00 a.m. hanggang 6:00 p.m.).
- Manila Memorial Park: Oktubre 30 (simula 6:00 a.m.); Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1 (24 oras); Nobyembre 2 (hanggang 12:00 a.m.).
- Loyola Memorial Park (Parañaque): Oktubre 30 hanggang Nobyembre 1 (24 oras); Nobyembre 2 (6:00 a.m. hanggang 12:00 a.m.).
- Pasig City Cemetery: Oktubre 31 (6:00 a.m. hanggang 10:00 p.m.); Nobyembre 1 (24 oras); Nobyembre 2 (6:00 a.m. hanggang 10:00 p.m.).
- San Juan City Cemetery: 6:00 a.m. hanggang 12:00 a.m. mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 2. 12:00 a.m.)
Mga Ipinagbabawal na Bagay sa mga Sementeryo
Para sa kaligtasan at kaayusan, ipinagbabawal ang pagdadala ng mga sumusunod:
- Mga baril at matatalim na bagay (kutsilyo, cutter, spatula, atbp.)
- Inuming nakalalasing
- Mga gitara, malalaking speaker, at iba pang maiingay na sound system
- Mga sangkap na madaling mag-apoy (tulad ng alak/alcohol at paint thinner)
- Mga alagang hayop (pets)
- Mga kagamitang pang-sugal
Mga Pagsasara ng Kalsada at Alternatibong Ruta
Maynila Magpapatupad ng road closure sa ilang kalsada simula alas-10 ng gabi sa Oktubre 30 hanggang alas-7 ng gabi sa Nobyembre 3:
- Blumentritt Street (mula A. Bonifacio Avenue hanggang Aurora Boulevard)
- Dimasalang Street hanggang Retiro Street (mula Retiro Street hanggang Calavite Street)
- Maceda Street (mula Makiling Street hanggang Dimasalang Street)
- Northbound lane ng Dimasalang Bridge
- Aurora Boulevard corner Leonor Rivera Street
- Blumentritt Road corner Leonor Rivera Street
Mga Alternatibong Ruta:
- Ang mga sasakyang galing Dimasalang Road patungong Blumentritt Road ay kailangang kumaliwa/kumanan sa Simoun Street.
- Ang mga galing Quezon City gamit ang A. Bonifacio Avenue ay kailangang kumanan sa Labo Street.
- Ang mga galing Maceda Street patungong Dimasalang o Retiro Street ay dapat kumanan sa Simoun Street.
Iba pang Lungsod:
- Pasig: Limitado sa northbound traffic ang C. Raymundo Avenue (mula E. Angeles Street hanggang Mercedes Avenue). Pinapayagam ang paggamit ng Stella Maris Street at Dr. Sixto Antonio Avenue bilang alternatibo.
- Makati: Nakatakda bilang no-fly zone para sa mga drone at iba pang unmanned aerial vehicles ang lungsod mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2.
- Pasay: May iiral na one-way traffic scheme sa Arnaiz Avenue eastbound mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.
Paghahanda sa mga Biyahe at Paliparan (NAIA)
Para sa mga pasaherong bibiyahe sa pamamagitan ng eroplano ngayong Undas, nagpapatupad na ng mas mahigpit na seguridad at karagdagang tauhan ang New NAIA Infra Corp. (NNIC). Pinapayuhan ang mga pasahero na:
- Dumating sa paliparan nang hindi bababa sa tatlong oras bago ang international flight, at dalawang oras para sa domestic flight.
- I-check nang maaga ang flight status at terminal assignment.
- Gawing online ang check-in kung maaari at ihanda ang mga dokumento sa paglalakbay, kabilang ang eTravel (na dapat kumpletuhin sa loob ng 72 oras bago ang pag-alis o pagdating).
Mag-ingat sa biyahe at magplano nang maaga upang masigurong payapa ang inyong paggunita ngayong Undas 2026.