Pinaigting pa ng Presidential Communications Office (PCO) ang pagsisikap nito laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon. Kasabay ito ng panghihikayat sa mga mamamahayag na patuloy na maghatid ng tamang impormasyon sa mga Pilipino.
Binigyang-diin ni Communications Usec. Claire Castro ang kahalagahan ng agarang pagtugon sa maling impormasyon upang mapigilan ang pagkalat nito at maiwasan ang kalituhan sa publiko.
“Ang paglaban sa fake news ay hindi iyong hindi pinapansin. Hindi na oras ngayon na binabalewala natin ang mga fake news dahil kapag hindi natin ito nasagot agad, kumakalat siya at iisipin ng mga inosente nating mga kababayan na totoo dahil walang nagri-refute, walang kumakalaban, walang nagpapasinungaling,” -Castro.
Aniya, hindi lamang ang pamahalaan ang naaapektuhan ng paglaganap ng fake news, bagkus maging ang mga lehitimong media organization at ang mga tamang pagbabalita ay natatabunan ng mapanlinlang na impormasyon.
“Hindi lang ang gobyerno ang nagkakaroon ng problema sa paglaganap ng fake news. Pati tayo, lahat tayo sa mainstream media. Nagiging sanhi rin po ito ng problema kasi mas natatabunan ng fake news ang kadalasang totoong mga pagbabalita na ginagawa ng mainstream media,” -Castro.
Hinimok naman ng opisyal ang mga mamamahayag na tiyaking tama at nasa wastong konteksto ang mga ibinabalita upang hindi maligaw ang publiko o magdulot ng kalituhan.
Ayon kay Castro, mayroong anti-fake news desk ang PCO na sumusubaybay sa mga mapanlinlang na ulat at tumutukoy sa mga kasong maaaring maging batayan ng paghahain ng reklamo.
Nilinaw naman ng opisyal na kung lehitimong puna at para talaga sa ikagagandan ng programa para sa mga Pilipino, pinakikinggan ito ng gobyerno.
Sabi ni Castro, patuloy na pai-igtingin ng PCO ang mga hakbang nito laban sa fake news, kasabay ng pakikipagtulungan sa media upang maisulong ang tumpak at responsableng pagbabalita. | ulat ni Racquel Bayan