Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na mahigpit na ang kanilang pakikipagtulungan at pakikipag-ugnayan sa mga water service provider upang matiyak ang sapat na suplay ng tubig sa mga paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, tiniyak mismo ng water provider na Maynilad na mananatiling matatag at tuloy-tuloy ang suplay ng tubig sa mga paaralan dahil na rin sa mataas antas ng tubig sa mga pangunahing dam.
Nire-assure kami na ‘yung dams ay nasa tamang lebel. Pero ‘yun nga eh, ah may time na during the year na talaga ‘pag masama ang panahon, bumababa sa danger levels and in fact, nagse-stop nag-muntik na silang mag-stop ng service. Pero malayo pa tayo doon sa ngayon,” ani Angara.
Nagbigay na rin ng mga tips at ilang learning materials ang nasabing water provider na ginagawang mas child-friendly ng DepEd upang makatulong sa pag-konserba ng tubig.
“Mayroon na po, actually. Yesterday, we met with Maynilad. So, may mga tips sila sa atin, mayroon din silang mga literature na distribute sa eskwelahan. Kaso nasa English, pinapa-translate namin for nationwide distribution,” wika ni Angara.
Hirit pa ni Angara na ilang mga pamamaraan na rin ang kanilang ipatutupad sa mga paaralan tulad ng pag-iimbak at pag-iipon ng tubig na selyado at natatakpan ng maayos upang hindi pamugaran ng mga lamok at iba pang insekto.
Paraan umano ito ng DepEd upang paghandaan ang inaasahang matinding epekto ng “Very Strong” El Niño sa bansa.