Isinusulong ngayon sa Kamara ang mas mataas na sahod, benepisyo at mas matibay na proteksyon para sa mga kasambahay sa pamamagitan ng House Bill 11764 o panukalang pag-amyenda sa Kasambahay Law.
Ayon kay Akbayan party-list Representative Perci Cendaña, nararapat lamang na matanggap ng mga kasambahay ang makatarungang sahod, makataong oras ng paggawa at maayos na kondisyon sa trabaho.
Sa ilalim ng panukala, palalawakin ang depenisyon ng kasambahay upang saklawin ang mga house caretaker, pribadong driver, part-time worker, at mga domestic worker na kinukuha sa pamamagitan ng online platforms.
Iminumungkahi rin ang walong oras na trabaho, walong oras na pahinga at walong oras na tulog, pati ang paglilimita sa overtime, at pagtiyak sa lingguhang araw ng pahinga.
Itinatakda rin ng panukala ang minimum wage na hindi bababa sa umiiral na regional minimum wage para sa mga manggagawa sa maliliit na establisimyento sa sektor ng serbisyo o retail.
Kabilang din sa mga probisyon ang karapatang sumali sa unyon, pagbabawal sa recruitment fees at mas madaling pag-access sa SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG benefits.