Mahigpit ang paalala ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon sa lahat ng transport terminal, hubs, pantalan, at paliparan na tiyaking maayos ang mga pasilidad para sa paghihintay ng mga pasahero.
Ito ang naging pahayag ni Dizon kasunod ng isinagawa nitong inspeksiyon sa Manila North Port.
Isa sa mga napuna ng kalihim ang kakulangan ng rest area sa pantalan na sana ay maaring mapagpahingahan ng mga pasaherong nananatili sa terminal at pantalan isa o dalawang araw bago ang kanilang biyahe.
Dapat ding matutukan ani Dizon ang problema sa ticketing booth na hanggang sa ngayon ay hindi 24/7 ang operasyon.
Isa kasi ito sa mga idinudulog ng mga pasahero na sana ay masolusyunan upang agad na rin silang makabili ng kanilang ticket at hindi na maghintay pa ng matagal sa pantalan.
Ani Dizon mahalagang matutukan na ito lalo’t inaasahan na ang buhos ng mga pasaherong magsisi-uwi dahil sa Undas.
Sa kabila naman ng mga puna ay pinuri pa rin ni Dizon ang napakalaking mga pagbabago at improvement sa Manila North Port tulad ng mas maaliwalas ng waiting area, well-ventilated at airconditioned na terminal, maayos na palikuran na may maayos na water system at iba pa.