Photo courtesy of Rep. Chel Diokno/Facebook
Isinusulong ni Akbayan Party-list Representative Chel Diokno ang mas matibay na proteksyon laban sa pang-aabuso at mas abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa mga senior citizen.
Sa kaniyang pakikipagpulong sa Municipal Federation of Senior Citizens Associations of the Philippines sa Camarines Norte, binigyang-diin ni Diokno na hindi sapat ang ayuda lamang at kailangan ng tuloy-tuloy na suporta para sa mga nakatatanda.
Kabilang sa mga panukalang itinutulak niya ang House Bill 3647 o Anti-Elder Abuse Bill, na naglalayong palakasin ang proteksyon laban sa pang-aabuso sa mga senior citizen.
Gayundin ang House Bill 8368 o Free Dialysis for Senior Citizens Act, na naglalayong magbigay ng libreng dialysis treatment sa mga nakatatandang nangangailangan nito.
Itinutulak naman ng House Bill 6835 na mailapit sa mga barangay ang serbisyong pangkalusugan at libreng gamot para sa mga senior citizen at indigent.
Ipinaalala rin ni Diokno na maaaring gumamit ng iba pang valid government-issued ID upang makuha ang mga diskuwento kahit walang dalang senior citizen ID.
Hinimok niya ang mga senior citizen na alamin at igiit ang kanilang mga karapatan at benepisyo, kasabay ng pangakong patuloy na isusulong ng Akbayan ang kanilang kapakanan.