Photo courtesy of DOH
Pinaaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na panatilihing malinis, masustansya, at ligtas ang mga pagkaing ihahanda at dadalhin sa mga sementeryo ngayong Undas upang maiwasan ang food poisoning at iba pang uri ng sakit.
Kabilang sa mga ipinapayong hakbang ng ahensya ang paggamit ng sariwang sangkap at pagdaragdag ng prutas at gulay sa mga pagkain.
Tiyakin ding lutong-luto ang mga ihahandang pagkain at malinis ang mga lalagyang gagamitin sa pag-iimbak o pagbaon ng mga ito sa sementeryo.
Pinapayuhan din ang publiko na huwag pagsamahin ang hilaw at lutong pagkain upang maiwasan ang kontaminasyon.
Mainam ding limitahan ang pagkonsumo ng matataba, maalat, at mamantikang pagkain. Sa gitna ng paggunita sa mga mahal sa buhay ngayong Undas, mahalagang tiyakin ang kaligtasan at kalusugan ng buong pamilya sa pamamagitan ng wastong paghahanda at paghawak ng pagkain.