Hindi personal na dadalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-limang status conference na magaganap bago ang pormal na pagsisimula ng kanyang paglilitis ukol sa mga kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) sa Nobyembre 30.
Sa isang dokumentong inilabas nitong Biyernes, inihayag ng abugado ni Duterte na si Peter Haynes, na pinagbigyan ng Trial Chamber III ang kahilingan ng dating punong ehekutibo na i-waive o huwag nang personal na iharap ang kanyang pagdalo sa status conference sa Nobyembre 2.
Dahil dito, siya ay kakatawanin na lamang ng kanyang mga legal counsel.
Matatandaang dumalo si Duterte sa mga naunang ikatlo at ika-apat na status conference ng hukuman.
Nakatakdang talakayin sa ika-limang status conference ang ilang mahahalagang usapin tulad ng listahan ng mga testigo, bilang ng oras para sa presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon, mga ebidensyang posibleng pabor sa depensa (exculpatory evidence), mga napagkasunduang katotohanan (agreed facts), at ang mga hakbang para sa proteksyon sa loob ng court room, kabilang na ang iba pang mga usapin.
Si Duterte ay kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC simula pa noong Marso 2025 kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa kanya bunsod ng mga patay na naiugnay sa kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Lungsod ng Davao at sa madugong kampanya kontra-droga sa panahon ng kanyang pagka-pangulo.