Pinapurihan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang kahandaan ng tatlong pangunahing mobile network operators (MNOs) sa bansa—ang DITO Telecommunity Corporation, Globe Telecoms Inc, at Smart Communications Inc.—na nagbigay ng maaasahang serbisyo ngayong Undas 2026.
Batay sa inilabas na ulat ng ahensya, nagsagawa sila noong Oktubre 29 ng pagmamanman sa 12 pangunahing bus terminal upang suriin ang kalidad ng serbisyo sa mga hub na dinarayo ng mga pasahero at manlalakbay.
Kabilang sa mga binantayan ang Victory Liner Cubao, Superlines Cubao, Baliwag Transit Cubao, Five Star Bus Cubao, HM Transport Inc., Raymond Transportation, Bicol Isarog, Florida Bus Terminal Cubao, Araneta Bus Terminal, Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), pati na ang mga terminal ng Victory Liner at Florida sa Sampaloc, Maynila.
Sa kabuuang 128 test campaigns na isinagawa, lumabas na 114 o halos 90% nito ang nakapagtala ng mobile broadband download speeds na aabot sa hindi bababa sa 50 Mbps.
Nanguna ang DITO sa pinakamataas na bilis na umabot sa 851.00 Mbps sa PITX terminal, habang ang Smart naman ay sumunod sa bilis na 456.00 Mbps na naitala rin sa PITX. Sa kabilang banda, ang pinakamataas na bilis ng Globe ay naitala sa Raymond Transportation Terminal sa Quezon City na nasa 330.00 Mbps.
Pagdating sa SMS performance, nagtala ang tatlong MNOs ng perpektong 100% average SMS success ratio, na lumagpas sa itinakdang pamantayan na mas mataas sa 99%.
Samantala, kapwa nakapagtala ang DITO at Globe ng 0% average call drop ratio na pasok sa standard na mas mababa sa 2%. Ang Smart naman ay nagtala ng call drop ratio na 5.26%.
“Reliable mobile connectivity is essential in transport terminals, particularly during periods when large numbers of Filipinos travel to reunite with their families,” pahayag ni NTC Deputy Commissioner Andy Castelar.
Pinuri niya ang mga telco sa pagtugon sa pangangailangan ng publiko na makipag-ugnayan sa kanilang mga mahal sa buhay ngayong Undas 2026.
Gayunpaman, hinikayat ng NTC ang mga telco company na pagtuunan pa ng pansin at pagbutihin ang mga nasabing serbisyo. Tiniyak din ng ahensya na magpapatuloy ang kanilang monitoring at validation activities sa buong bansa upang matiyak na mananatiling maayos at maaasahan ang mga serbisyo para sa publiko.