Aabot sa 150 black bags ng plastic waste materials ang nakolekta ng Caloocan City Environmental Management Department (CEMD) mula sa iba’t ibang mga pampubliko at pribadong sementeryo sa Caloocan nitong nagdaang Undas 2026.
Ayon sa LGU, naging epektibo ang koleksyon ng basura sa kabila ng pagdagsa ng mga bumisita sa mga sementeryo dahil sa pagpapatupad ng biodegradable at non-biodegradable trashbins, paglalagay ng mga “Shoot Your Empty Plastic Bottle” bins, pagpapatupad ng kampanyang “Basura Ko, Responsibilidad Ko” na may angkop na kaparusahan o multa para sa mga mahuhuling lalabag.
Nagpatrolya rin ang environmental police para regular na magpaalala at tiyakin ang kalinisan sa lahat ng mga sementeryo sa lungsod.
Ang mga bulto naman ng plastic waste materials ay ire-recycle ng CEMD para gawing kapaki-pakinabang na mga kagamitan tulad ng upuan, lamesa, bag, at iba pa.
Kaugnay nito, nagpasalamat naman si Mayor Along Malapitan sa libo-libong indibidwal na nakiisa, naging responsable, at nagpakita ng disiplina sa kalinisan.