Kinuwestyon ng House Prosecution ang layunin ng ilang testigong isinumite ng depensa ni Vice President Sara Duterte dahil hindi malinaw ang kaugnayan ng kanilang testimonya sa natitirang Article II o unexplained wealth.
Ayon kay Private Prosecutor Benjamin Tolosa Jr., kabilang sa mga testigo ang isang Quezon City prosecutor at ilang opisyal ng bangko na walang malinaw na paliwanag kung anong ebidensiya ang maibibigay sa paglilitis.
“For example, a Quezon City prosecutor was named as one of the witnesses, pero walang indication kung anong purpose kung bakit siya ipapatawag. Meron pang ibang mga testigo pero…from the banks. Walang explanation kung anong magiging testimony nito,” aniya.
Kabilang din sa listahan ang mga opisyal at assessor mula sa Davao City at Island Garden City of Samal na inaasahang magbibigay-linaw sa mga ari-ariang umano’y hindi idineklara sa SALN ng bise presidente.
Kinuwestiyon din ni lead prosecutor Gerville Luistro ang planong testimonya tungkol sa pagkakabasura ng grave coercion case laban kay Duterte at mga binili nito sa Nike store.
Aniya, hindi malinaw kung ano ang kaugnayan ng mga ito sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at maling deklarasyon sa pananalapi.
“At ang isa pa naming ipinagtataka ay itong city prosecutor ng Quezon City, si CP Barcellano, na base din sa manifestation…ang magiging nature of the testimony is on the dismissal of the case against respondent vice president for grave coercion, eh ano namang kinalaman ng grave coercion dito sa unexplained wealth?” tanong ni Luistro
Gayunman, sinabi ni Luistro na hindi muna nila tututulan ang pagharap ng mga testigo upang makita kung paano iuugnay ng depensa ang kanilang mga testimonya sa natitirang impeachment charge.