Photo courtesy of DSWD
Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga benepisyaryo ng kanilang cash assistance na gamitin nang tama at makabuluhan ang natatanggap na tulong.
Ito ay kasunod ng pagkalat sa social media ng mga post at video kung saan makikita ang ilang benepisyaryo na bumibili ng mga gadget gamit ang natanggap na UPLIFT cash assistance.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, bagama’t posibleng ginagawa lamang na content ang naturang mga post, umaapela sila sa mga benepisyaryo na igalang ang hangad ng programa lalo’t nakaaapekto sa tiwala ng publiko ang mga mapanlinlang o misleading na social media post.
Aniya, may mga indibidwal na tunay na nangangailangan at umaasa sa mga programa ng pamahalaan bilang huling mapagkukunan ng tulong.
Binigyang-diin ni Dumlao na ang UPLIFT cash assistance ay inilaan para makatulong sa pang-araw-araw na gastusin at pagbili ng mga pangunahing pangangailangan, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo.
“Gamitin po natin nang makabuluhan ang tulong mula sa mga programa ng ating ahensya, ‘wag po sana natin itong gawing katatawanan dahil nagiging insensitibo tayo sa mga tao na talagang nangangailangan ng financial assistance,” pahayag ng DSWD spokesperson.
Kasunod nito, nagbabala rin ang DSWD laban sa mga scammer na gumagamit ng kahina-hinalang online links, na hindi rehistradong mobile numbers at pekeng digital receipts.