Iginiit ng House of Representatives na walang pork barrel funds o kuwestiyonableng insertions sa bersyon nito ng panukalang 2027 national budget.
Ayon kay Bataan 2nd District Representative Albert Garcia, Senior Vice Chair ng House Committee on Appropriations, nagmula sa mga ahensya ng gobyerno at mga pangangailangan ng mga lokalidad ang lahat ng amendments na inilagay sa House-approved General Appropriations Bill.
Tiniyak ni Garcia na paninindigan ng Kamara ang posisyon nito sa isasagawang bicameral conference committee meeting.
Paliwanag ni Garcia, batay sa desisyon ng Korte Suprema, maituturing na pork barrel ang pakikialam ng mga mambabatas sa implementasyon ng budget matapos itong maisabatas.
Kapag naipasa na aniya ang General Appropriations Act, nasa ehekutibo na ang kapangyarihan sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto.
“The House maintains its position na wala pong pork sa GAA…Ito po lahat ay galing sa agencies, validated, pasado sa requirement or doon sa bottom-up budgeting na kailangan noong locality,” saad ni Garcia
Itinanggi rin ni Garcia ang mga alegasyon ng kuwestiyonableng budget insertions, dahil dumaan aniya sa validation at tumugon sa pangangailangan ng mga lokalidad ang mga naturang amendments.
Bagay aniya na tiyak na mauunawaan nian Senate Finance Committee Chair JV Ejercito at Senate President Win Gatchalian na pawang dating mga nagsilbi bilang local chief executives.