Inihayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na may naiwan pang halaga sa ₱22.9 billion budget na inihanda ng pamahalaan sa nakaraang hosting ng Pilipinas sa ASEAN Summit ngayong taon.
Ayon kay Castro, hindi nagamit ang buong budget allocation na inilaan sa dalawang summit na ginawa sa bansa na kung saan ang isa ay ginawa sa Cebu nuong nakaraang buwan ng Mayo na bahagi ng Philippine ASEAN Chairship 2026.
Ayon kay Castro, ia-account o idedetalye pa ang naging paggugol sa nakaraang summit na sa mga nauna na din namang pahayag ng Palasyo ay napunta sa iba’t ibang kaukulan.
Ilan dito ay ginamit sa security at deployment ng PNP, infrastructure at venue preparations gayundin naman sa airport improvement, transportation at traffic management logistics, at iba pang ASEAN-related meetings.
Una na ding nagpahayag si Castro na handang maglabas ng report ang pamahalaan para ipakita sa taong bayan kung saan napunta ang pondong ini- allocate sa nagdaang ASEAN Summit.