Sinubok ng ika-10 edisyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Exercise Dagat-Langit-Lupa (AJEX DAGITPA) 10-2026 ang kahandaan at koordinasyon ng mga yunit militar at mga civilian agencues sa pagtugon sa iba’t ibang senaryo ng seguridad at emergency.
Ayon kay Major Al Anthony Pueblas, hepe ng Combined Joint Information Bureau, layunin ng mission rehearsal na palakasin ang depensa ng bansa sa pamamagitan ng pagsukat sa operational readiness, koordinasyon, at kakayahang tumugon ng mga lumalahok na yunit.
Isinagawa ang mga aktibidad sa headquarters ng 4th Marine Brigade sa baybaying bayan ng Burgos, Ilocos Norte—isang estratehikong lokasyon sa hilagang bahagi ng Luzon na nakaharap sa West Philippine Sea at Bashi Channel.
Kabilang sa mga isinagawang pagsasanay ang Non-combatant Evacuation Operations (NEO), Mass casualty evacuation, at Counter-landing live-fire drills
Tumatakbo ang ika-10 pagsasanay mula November 17 hanggang 27, 2026 sa iba’t ibang lugar sa Northern Luzon at Palawan.
Bukod sa field training at pagtatanggol sa teritoryo, saklaw rin ng mga ganitong pagsasanay ang command and control, sustainment, at humanitarian assistance, upang matiyak na handa ang puwersa ng pamahalaan kapwa sa banta sa seguridad at sa pagtugon sa mga sakuna at emergency.